Kapalaran ni Health Sec. Duque, nakasalalay sa resulta ng imbestigasyon ng DOJ Task Force
Hihintayin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng imbestigasyon ng Task Force na pinamumunuan ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa anomalya sa Philippine Health Insurance (Philhealth).
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, iginagalang ng Malakanyang ang rekomendasyon ng Senado na sampahan ng kasong kriminal sina Health Secretary Francisco Duque na tumatayong Chairman of the Board at dating Philhealth President Ricardo Morales kasama ang iba pang matataas na opisyal ng State health insurance dahil sa umano’y katiwalian subalit kailangang malaman ng Pangulo kung ano ang rekomendasyon ng DOJ Task Force.
Kasama sa DOJ Task Force na nag-iimbestiga sa katiwalian sa Philhealth ang Office of the Ombudsman, Presidential Anti Corruption Commission (PACC), Civil Service Commission (CSC) at Commission on Audit (COA).
Ayon kay Roque, hanggang September 14 inaasahan ng Malakanyang na maisusumite ng DOJ Task Force ang resulta ng imbestigasyon.
Inihayag ni Roque anuman ang rekomendasyon ng DOJ Task Force ay bibigyang halaga ni Pangulong Duterte. Niliwanag ni Roque na seryoso si Pangulong Duterte na linisin ang Philhealth sa mga nagaganap na korapsyon.
Vic Somintac