Kapalit ng mga expired COVID-19 vaccine, isu-supply bago matapos ang taon
Bago matapos ang taon, posibleng magsimula nang dumating sa bansa ang mga bagong COVID-19 vaccine mula sa Covax facility.
Ang mga bakuna na ito ay pamalit sa mga bakunang na -expire dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Ayon kay Department of Health Officer -In-Charge Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, hiniling talaga nila sa Covax na sa Disyembre hanggang sa susunod na taon na lang ideliver ang mga ito dahil may sapat pa namang suplay ng COVID-19 vaccines ang bansa.
Iniiwasan lang kasi aniya nila na may mga mapaso na namang bakuna at maapektuhan ang reputasyon ng Pilipinas sa Covax Facility.
Sa pagdinig sa Senado, una nang inamin ng DOH na nasa mahigit 20.6 milyong doses ang vaccine wastage sa bansa.
Pero depensa ng DOH, ito ay katumbas lamang ng 8.42% kaya pasok pa rin ito sa katanggap,-tanggap na bilang ng vaccine wastage na itinakda ng World Health Organization.
Ilan sa mga dahilan ng wastage na ito ay dahil sa ang iba ay inabot ng expiration, ang iba ay nabasag ang vials, left over o hindi naiturok lahat, ang iba naman ay naapektuhan sa pagbabago ng temperatura at ang iba ay dahil sa natural disasters gaya noong bagyong Odette, sunog at lindol.
Sa gitna naman ng isyu na ito ng mga nasayang na bakuna, kinumpirma ni Vergeire na may inilaan ng pondo ang DOH para sa pagbili ng new generation COVID-19 vaccines.
Tiniyak naman ng opisyal na bago gamitin sa bansa ay dadaan ito sa masusing pag-aaral ng mga eskperto at kailangan nitong mag-aplay ng emergency use authorization sa Food and Drug Administration.
Madelyn Villar- Moratillo