Kapatid ng napatalsik na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, humarap na sa pagdinig ng Senado
Humarap na sa pagdinig ng Senado ang kapatid nang napatalsik na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na si Sheila Guo.
Sa joint hearing ng Senate Committee on Justice at Women and Family Relations, ay sinabi ni Sheila Guo na sabay-sabay silang umalis ng kaniyang mga kapatid na sina Alice at Weasley.
Sheila Guo / Courtesy: Senate FB
Kuwento niya, pagkatapos ng kanilang dinner sa umano’y farm sa Tarlac nang hindi nito tinukoy na petsa, sumakay sila ng isang van at halos limang oras na bumiyahe.
Pagkatapos sumakay sila ng isang maliit na puting bangka, lumipat sa isang mas malaki pa at lumipat ulit sa isang mas maliit na bangka.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, kung pagbabatayan ang salaysay ni Sheila, maaaring dumaan sila sa Bonggao, Tawi-Tawi at speed boat ang kanilang huling sinakyan palabas sa Malaysia.
NBI Director Jaime Santiago / Courtesy: NBI FB
Pero sabi ni Sen. Jinggoy Estrada, sa kaniyang impormasyon, may isang daungan sa Sual sa Pangasinan kung saan dumaraan papasok at palabas ang Chinese nationals.
Courtesy: Senate FB
Maaaring dito aniya kumuha ng speed boat o barko ang magkakapatid palabas ng bansa.
Sa teorya naman ng DOJ, Luzon ang naging point of origin nang pagtakas ng mga Guo para makapunta sa backdoor ng bansa o sa ZAMBASULTA.
Ito ang Zamboanga, Basilan, Sultan Kudarat at Tawi-Tawi.
Sinabi ni DOJ Usec. Nicholas Ty, na ito rin ang ginagamit na daan ng mga sangkot sa human trafficking, kung saan itinatakas ang mga Pinoy para magtrabaho sa ibang bansa.
DOJ Usec. Nicholas Ty / Courtesy: DOJ FB
Meanne Corvera