Karagdagang 1.5 milyong doses ng Sinovac vaccine na binili ng gobyerno, dumating na sa bansa ngayong umaga
Isa pang batch ng 1.5 milyong doses ng Sinovac vaccine ang dumating sa bansa ngayong umaga.
Ang mga bakuna ay lumapag kaninang alas-7:50 ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 lulan ng Flight 5J 671 ng Cebu Pacific.
Sinalubong ang mga bakuna nina Health Secretary Francisco Duque III at vaccine czar Carlito Galvez Jr.
Sinabi ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 na inaasahang bukas, Biyernes, darating pa ang nasa isang milyong doses ng Sinovac vaccine.
Dahil dito, nasa kabuuang 29,985,130 Covid-19 vaccine doses na iba’t-ibang brand ng bakuna kontra Covid-19 ang natanggap na ng Pilipinas as of July 22.
17,563,970 rito ay binili ng pamahalaan at 12,421,160 ang kabuuang donasyon.
Hanggang nitong July 20, sinabi ng NTF na nasa 15,616,562 doses na ng mga bakuna ang naipamahagi sa buong bansa.
10.5 milyong katao na ang nakatanggap ng first dose habang nasa higit 5 milyon naman ang nakakumpleto na ng bakuna.