Karagdagang 1.8 million doses ng Pfizer vaccine na donasyon ng Amerika, dumating sa bansa
Dumating na kaninang umaga ang kabuuang 1,813,500 milyong doses ng Pfizer vaccine na donasyon ng gobyerno ng Amerika sa pamamagitan ng Covax facility.
Lulan ang mga bakuna ng National Airlines Flight N8 523 na sinalubong nina DOH Supply Chain Management Service Dir. Ariel Valencia at Customs examiner Mark Almase.
Dahil sa mga bagong dating na bakuna, umakyat na sa 77,410,640 doses ng iba’t-ibang brand ng bakuna ang natanggap ng Pilipinas hanggang ngayong Linggo, October 3.
Nauna nang sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na inaasahan ngayong buwan darating ang mas marami pang suplay ng mga Covid-19 vaccine.
Sapat na aniya para mabakunahan ang nasa 50 milyong Filipino at maabot na ang target na herd immunity bago matapos ang 2021.