Karagdagang 1,021 special permits, inisyu sa mga bus para makabiyahe ngayong long holiday
Karagdagang 1,021 special permits, inisyu sa mga bus para makabiyahe ngayong long holiday
Ilang araw bago ang inaasahang bugso ng mga uuwi sa mga probinsya para sa long holiday, ininspeksiyon ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong Lunes ng umaga.
Pinangunahan ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang pag-iikot sa PITX.
Kasama sa mga siniyasat ng mga opisyal ang drug testing center ng Land Transportation Office (LTO) sa PITX para sa mga driver at konduktor na bibiyahe sa probinsya.
Kinausap at kinumusta rin ng mga opisyal ang ilang driver ng bus na pabiyahe na ngayong Lunes.
Ayon kay Bautista, nasa 1,021 na karagdagang special permits ang inisyu ng LTFRB sa mga bus para matugunan ang dami ng mga pasahero na magbabakasyon sa lalawigan.
” Kung mangangailangan pa ay mayroon kaming special office dito sa PITX na pwedeng mag-isyu agad ng special permit para yung mga na-traffic na bus sa probinsiya ay mapalitan and magkaroon ng additional capacity sa PITX ” ani Bautista.
Kuntento naman sina Bautista sa mga serbisyo ng PITX at ng iba’t ibang tanggapan ng gobyerno sa terminal.
Tiniyak pa ni Interior Secretary Benhur Abalos ang seguridad ng mga pasahero sa PITX dahil may mga nakadeploy na tauhan ng Pambansang Pulisya at Bureau of Fire Protection (BFP) sa terminal.
“Ang nakatalaga po na mga pulis dito araw araw ay … bukod sa cctv andyan po ang hanay ng PNP to make sure na secured ang lugar na ito…overall, ito ay 39 fire personnel, para saan itong fire hindi lang po sa sunog pagdating din ito sa medikal na pagtulong” pahayag ni Abalos.
Sinabi naman ni PNP Chief Benjamin Acorda na walang namonitor na anumang banta ang PNP ngayong long weekend at libu-libo ang nakatalaga na mga pulis para magbantay ng seguridad sa buong bansa.
” Ina-assume natin ng worst scenario, so palaging nakahanda pulis despite na..we make sure ports airports terminals..” giit ni Acorda.
Inihayag naman ng BFP na magdi-deploy ito ng mahigit 3,000 fire trucks at 28,000 fire personnel sa mga pangunahing kalsada sa buong bansa sa long weekend.
Sabi ni BFP Chief Of Operations Gen. Kwan Tiu, ” Ang panawagan po ng BFP sa lahat ng lumalabas ng bahay ay huwag po kayong mag-iwan ng nakasaksak na appliances “
Inanunsiyo rin ni MMDA Chair Romando Artes na 2,274 na tauhan ng ahensiya ang ipakakalat sa mga pangunahing daan sa mahabang bakasyon para mangasiwa ng trapiko at tumugon sa mga emergency.
” Sa mga pupunta NLEX papunta SLEX gayundin po pupunta sa mga terminal, airports, pier o pantalan, so expect po natin ang presence para po..” pagtitiyak ni Artes.
Moira Encina