Karagdagang 37,800 doses ng Sputnik vaccine dumating na sa bansa
Dinala na sa Marikina city cold storage facility ang karagdagang 37,800 doses ng Sputnik vaccine mula Russia na dumating sa bansa kagabi.
Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang mga bakuna sakay ng Korean Air flight (KE623), alas-9:42 kagabi.
Matatandaang Biyernes ng gabi naunang dumating ang nasa 132,200 doses ng Sputnik vaccine na nadelay ng ilang araw dahil sa problema sa logistics.
Ang unang batch ng nasabing brand ng mga bakuna ay unang dumating sa bansa noong May 1 na nasa 15,000 doses, sinundan ito ng karagdagang 15,000 doses noong May 12 at 50,000 din noong May 30 at 100,000 naman noong June 11.
Nauna nang ipinahayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na ang mga bagong dating na Sputnik vaccines ay ilalaan sa National Capital Region (NCR) Plus 8 habang ang iba ay ipamamahagi sa mga lalawigan at siyudad na may nakahanda nang cold-chain facilities paryikular sa Regions 1, Cagayan Valley, Central Luzon at Calabarzon.
May ipamamahagi din aniya sa Visayas at Mindanao.