Karagdagang 500 mga trabaho, inaasahan sa Maynila matapos dumami ang mga naglalagak ng negosyo sa lunsod
Malaki ang tsansang magkaroon ng maraming hanapbuhay sa Maynila dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nagne-negosyo sa lunsod.
Ayon kay Levi Facundo, hepe ng Bureau of Permits sa lunsod ng Maynila, nasa 11 porsyento ang naging pagtaas ng mga negosyo sa Maynila sa unang tatlong buwan pa lamang ng panunungkulan ni Mayor Isko Moreno.
Maituturing aniya itong record-breaking sa harap na rin ng nasa mahigit 60,000 ang mga nakalatag nang negosyo sa Maynila.
Nagpapakita lamang ito na tiwala at kumpiyansa ang mga negosyanteng maglagak ng mga negosyo sa lunsod.
Nauna nang ipinagmalaki ni Mayor Isko ang Bureau of Permits partikular ang Licensing division dahil sa laki ng koleksyon.
Katumbas aniya ng pagtaas ng koleksyon ay karagdagang 500 mga trabaho para sa mga Manilenio.