Karagdagang 56 tauhan ng Bureau of Immigration, idineploy sa iba -ibang paliparan sa bansa para sa holiday rush
Nagdagdag ang Bureau of Immigration ng mga tauhan nito sa iba-ibang international airports sa bansa bilang paghahanda sa holiday rush ngayong Disyembre.
Ayon kay BI Port Operations Division Chief Grifton Medina, nagpalabas na ng travel orders si Immigration Commissioner Jaime Morente sa 56 empleyado ng kawanihan na magreport na ngayong linggo sa kanilang mga assignment.
Ang mga nasabing immigration officers ay idineploy para umagapay sa pagproseso ng libu-libong mga international passengers na inaasahang papasok at lalabas ng bansa sa holiday break.
19 sa mga ito ay inilagay sa NAIA habang ang 37 ay itinalaga sa mga paliparan sa Clark, Mactan, Kalibo, at Davao.
Inaasahan ng BI na sa ikalawang linggo o ikatlong linggo ng disyembre ang dagsa ng mga pasahero sa mga paliparan.
Pansamantala lamang ang reassignment sa nasabing BI employees at ang mga ito ay babalik sa kanilang kasalukuyang pwesto sa ikalawang linggo ng Enero.
Naniniwala si Medina na ang karagdagang tauhan at ang pagbubukas ng 21 e-gates sa major airports sa bansa ay makakabawas sa matagal at mahabang pila ng mga manlalakbay.
Ulat ni Moira Encina