Karagdagang security task group, itinalaga ng PNP para sa SONA ni Pangulong Duterte
Handa na ang lahat para sa isasagawang ika-anim na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte mamayang hapon sa Batasang Pambansa.
Nagpatupad na ng re-routing ang Quezon City Police District upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko lalu na’t may mga grupo na nagsabing magsasagawa pa rin ng mga kilos protesta.
Sinabi ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief Major General Vicente Danao Jr., papahintulutan pa naman ang ilang protesters na makapagsagawa ng rally sa ibang lugar habang isinasagawa ang SONA.
Pero hanggang sa St. Peter’s chapel sa Commonwealth Avenue lamang pahihintulutan ang mga ito habang pinahintulutan ding magrally -ang mga Pro-Duterte protesters pero hindi pa tiyak kung saan sila pinayagang magsagawa ng demonstrasyon.
Sinabi naman ni PNP Chief General Guillermo Eleazar na inire-aligned nila ang kanilang mga tauhan sa 15 sub-security task groups (SSTG).
Inaasahang ngayong umaga ay magsisimula na sa mga demonstrasyon ang mga protesters pero inaasahan ding tatapusin ng mga ito ang kanilang aktibidad bago magtanghali mamaya.
Magpapatupad din ng signal jamming sa ilang bahagi ng QC bilang bahagi ng seguridad at ipinatupad na rin ang gun ban hanggang July 28.
Maliban sa SSTG, nasa 15,000 pang police personnel at force multipliers ang idineploy para sa seguridad sa SONA.
Samantala, naghanda rin ng puwersa ang Philippine Army, Navy at Air Force para sa SONA Ng Pangulo kung saan nakadeploy ang kanilang armored carriers.
Ang MMDA ay nagkabit ng mga CCTV camera sa kahabaan ng Commonwealth Avenue ganundin ang mga tauhan ng QC Disaster Risk Reduction and Management Office ay nakamonitor sa mga kalsada sa pamamagitan ng CCTV.