Karagdagang tulong sa pagkain at tubig at maging sa mga yero at kahoy para sa pagtatayo ng temporary shelter para sa mga apektado ng lindol sa Batanes, ipinanawagan
Nakaranas na naman ng malalakas na aftershocks ang Itbayat, Batanes kaninang pasado alas-3:00 ng madaling-araw.
Ito ang dahilan kung bakit naantala na naman ang pag-uwi sana sa kanilang mga bahay ng mga naapektuhan ng lindol na nanunuluyan pansamantala sa mga open field at town plaza.
Sa panayam ng Radyo Agila, sinabi ni Governor Marilou Cayco na batay sa naging assessment ng DPWH nasa 687 kabahayan ang idineklara nang Safe for Occupancy pero ang problema aniya ay ang hindi ligtas na kalsada na daraanan ng kaniyang mga kababayan pauwi.
Ginagawan na rin aniya ng paraan ang 266 na pamilyang totally damaged na ang mga bahay.
Dahil dito, mapipilitan pa ring manatili sa evacuation centers ang apektado ng lindol.
Bukod sa mga materyales na kakailanganin sa pagpapatayo ng mga temporary shelter ng mga nawalan ng bahay ay nanawagan din ang Gobernadora ng karagdagan pang tulong sa pagkain at tubig.
“Yan ang pakiusap ko, baka pwede kaming magputol ng panggawa ho namin, apat na poste para sa temporary shelter at tatalian na lang namin para kung may malakas na bagyo tatalian na lang namin dahil matibay ang poste. Kaya nangangailangan pa kami ng tulong para sa karagdagang yero at kahoy. Bagamat buhos ang tulong na ipinagkakaloob sa amin ay nauubos din kaya kailangan pa rin namin ng tulong para sa pagkain at tubig po”.