Karapatan sa West Philippine Sea, hindi dapat isuko kapalit ng Covid-19 vaccine
Hindi dapat gamitin ng Gobyerno ang isyu ng bakuna mula sa China para tuluyang isuko ang karapatan sa West Philippine Sea.
Sagot ito ng mga Senador sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya maaaring simulan ang giyera laban sa China dahil sa malaking utang na loob dahil sa nararanasang Pandemya.
Pero ayon kay Senator Risa Hontiveros, ang pagdepensa sa ginagawang militarisasyon ng China ay hindi nangangahulugan ng giyera.
Giit naman ni Senador Ralph Recto, dapat kumilos ang Pilipinas at makipagtulungan sa International Community para mabawi ang teritoryo ng bansa at protektahan ang mga mangingisdang Pinoy.
Iginiit ng Senador na ang China at hindi Pilipinas ang dapat tumigil sa pagpapalala ng tensyon at dapat lumayas na sa WPS.
Statement Senador Recto:
“It is China who is building military outpost and thereby destabilizing the region. The Philippine Gov’t should continue working with the international community to take back our exclusive economic zone and protect our fishermen in the area. It is China who should refrain from escalating tensions and leave the West Philippine Sea”.
Naniniwala rin si Senador Grace Poe na tama lang na paigtingin ang presensya ng militar sa West Philippine sea bilang pagpapakita ng paninindigan at karapatan.
Kailangan aniyang mapalayas rin ang mga illegal occupants sa isla para magkaroon ng access ang mga mangingisdang Pinoy.
Senador Poe:
“Our presence in the West Philippine Sea is an unyielding display that we are standing our ground on what is ours and securing our people’s productive access to our marine resources. We must stand firm against illegal occupants in our waters”.
Idinepensa naman ni Senador Bong Go ang Pangulo at iginiit na mas uunahin nito ang kapakanan ng mga Filipino.
Hindi naman aniya tuluyang isinusuko ng pamahalaan ang karapatan sa isla katunayang iniutos pa ng Pangulo ang pagpapaigting ng pagpapatrolya sa lugar.
Umaasa ang Senador na maaayos rin ang gusot sa pamamagitan ng diplomatikong proseso.
Umapila naman si Go sa China na igalang ang mga International obligations at maging responsableng miyembro ng International community.
Senador Bong Go:
“The President is the Chief architect of the country’s foreign policy. Having known him for more than two decades, I am confident that the President always has the over-all interest of the Filipino people in mind. Bilang isang mambabatas, hangad ko na sana lahat ng anumang hindi pagkakaintindihan sa WPS ay naidadaan sa maayos at diplomatikong usapan. Mahalaga ang papel ng diplomasya rito at importanteng bukas po tayo sa maayos at tapat na pag-uusap sa ibang bansa”.
Meanne Corvera