Kargang langis ng MT Princess Empress,halos kalahati na lang ayon sa Coast guard
Posibleng nasa 300,000 hanggang 400,000 litro na lang umano sa kargang industrial fuel ng lumubog na MT Princess Empress ang natitira rito.
Paliwanag ni Rear Admiral Armand Balilo, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG), nabawasan ang kargang langis ng barko dahil sa unti unting pagbulwak nito.
Nasa 822,000 litro ng industrial fuel ang karga ng MT Princess Empress.
Sa natanggap na report ng PCG ay wala ng laman ang apat na tangke sa likurang bahagi ng barko.
Pero may 4 na tangke pa aniya ang may laman na sya umanong pinagmumulan ng oil leak.
Batay sa survey ng remotely operated vehicle (ROV) ay nasa 23 ang nakitang butas ng barko.
Ayon kay Balilo, sa ngayon, tinitignan ng PCG kung paano mare-recover ang mga natitirang langis.
Dumating nitong Martes, Marso 28 ang mga oil spill expert ng Korean Coast Guard.
Nag-courtesy call din sila kay PCG Commandant Artemio Abu at nakipagpulong sa mga opisyal ng PCG bago sila tutulak patungo sa Oriental Mindoro.
Kumpyansa ang PCG na nasa tamang direksyon ang kanilang mga ginagawang pagtugon sa malaking oil spill incident na ito.
“Yung kilometers ng nalinis natin dati nung unang bugso ang report is 55 km pero ngayon 9km nalang merong mga patches of oil meron syang oil pero di pa sya ganun kadami. Ayaw naman namin sabihin pero para naman meron tayong nakikitang progress sa ginawa nating pagresponde sa oil spill,” paliwanag pa ni Balilo.
Sa report ng PCG, umabot na sa 10,163 litro ng oily water mixture at 123 sako ng oil-contaminated materials ang nakolekta sa bahagi ng karagatang apektado ng oil spill.
Habang sa mga apektadong baybayin naman sa 13 barangay sa Naujan, Bulalacao, at Pola sa Oriental Mindoro ay nasa 3,600 sako at 22 drum ng oily waste ang nakolekta.
Madelyn Villar- Moratillo