Kasambahay na biktima ng trafficking nasagip mula sa Chinese nationals na nag-o-operate ng scamming activities sa Parañaque City

Courtesy: PNA

Arestado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong Chinese nationals sa isang bahay sa subdivision sa Parañaque City dahil sa sinasabing pagkakasangkot sa iba’t ibang scamming operations.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nadiskubre ang scamming activities ng mga dayuhan sa rescue operation sa isang kasambahay na biktima ng trafficking at illegal detention.

NBI Director Jaime Santiago / Net25.com

Ikinasa ng NBI ang operasyon matapos magpasaklolo sa kawanihan ang kaibigan ng kasambahay na si alyas Letlet.

Sinabi ni alyas Letlet na nagsimula siyang higpitan at takutin na huwag lumabas nang makita niya ang kuwarto na ginagamit sa scamming activities.

Ayon kay alyas “Letlet,” ang nasagip na biktima, “Noong nalaman po nila na nakaakyat sa third floor at nalaman ko kung ano ginagawa nila doon hinigpitan na po nila ang lumabas ng bahay, pero nakakakilos sa bahay. Tinatakot po nila na wag lumabas tapos nadidelay po sahod ko di po nila binigay ung tamang sahod na usapan.”

Sa rescue operation, nakumpirma at tumambad sa mga tauhan ng NBI ang isang kuwarto na may computers, SIM cards at iba pang kagamitan na ginagamit sa mga credit card scam, fake investment scam, cryptocurrency scam, at catfishing scam.

Sabi ni NBI Cybercrime Division Chief Jeremy Lotoc, “Upon entry and during our rescue ng victim habang ina-identify nya at wino-walkthrough kami dun sa mga floor, nakita namin in-flagrante yung mga foreign national na nasa work station nila, ang we check thru plain view nakakita kami written scripts which indicate social engineering schemes.”

Nabatid pa ng NBI na mga dating empleyado ng POGO ang mga nadakip na Chinese.

Sinabi ni Santiago, “Sila ay formerly POGO staff, yung malalaking POGO, but then wala na nga pinatigil na ng ating pangulo ang POGO, nag-divide sila sa smaller group at itinuloy nila mga kalokohan nila. Ito nga umupa sila, occupy sila ng lugar sa multinational village at itinuloy nila ang kanilang mga scam kaya matagal na sila dito.”

Sinampahan na ng NBI ang mga banyaga ng mga reklamong paglabag sa Kasambahay Law, Anti- Cybercrime Law at Expanded Anti- Trafficking Law sa piskalya.

Inaalam pa rin ng NBI ang boss ng mga Chinese na wala sa lugar nang maaresto ang mga tauhan nito.

Patuloy din ang koordinasyon ng NBI sa Bureau of Immigration para matiyak ang pagkakilanlan ng mga nahuling Chinese na walang maipakitang mga dokumento at ID.

Ayon kay Lotoc, “Yung moment of arrest wala po silang any valid document wala silang ID so hindi namin conclusively ma-identify ang kanilang personality. Maybe next week ma-establish namin yung identities and ma-find out namin kung saang POGO sila galing.”

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *