Kaso laban sa mga sangkot sa maanomalyang kontrata sa pharmally dapat bantayan ng publiko
Dapat tutukan pa ring mabuti ang paggulong ng kaso laban sa 33 opisyal na nasasangkot sa anomalya sa pagbili ng overpriced na mga face mask at face shield sa kumpanyang Pharmally sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ito’y matapos isailalim sa preventive suspension ang tatlumput tatlong mga opisyal habang isinasagawa pa ang imbestigasyon.
Pinuri ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang mabilis na hakbang ng Ombudsman.
Ayon sa Senador ang suspension order ay naglalayon lamang na maiwasang maimpluwensyahan ng mga opisyal ang investigation at case build up.
Hindi pa aniya ito maibabatay sa merito ng kaso at kailangang matutukan pa rin ang paggulong ng imbestigasyon hanggang tuluyan nang magkaroon ng pinal na desisyon.
Ikinatuwa naman ni Pimentel ang impormasyon na itinuturing ng Ombudsman na seryoso ang mga alegasyon, credible at sapat ang mga inisyal na ebidensya.
Saklaw ng six month suspension order ni Ombudsman Samuel Martires si Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong na nagsilbing procurement director ng PS DBM gayundin sina Health Assistant Secretary Nestor Santiago Jr., at dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao kasama ang iba pang opisyal ng PS DBM.
Meanne Corvera