Kaso ng African swine fever at Avian influenza sa bansa, pababa na – DA
Makalipas ang mahigit dalawang taong pananalasa sa bansa ng African Swine Fever o ASF at Avian Influenza o Bird Flu humupa na ito ayon sa Department of Agriculture.
Sa isinagawang Livestock Philippines 2022 Press Conference ng Department of Agriculture sinabi ni Bureau of Animal Industry Assistant Director Jonathan Sabiniano na mula sa dating 14 na rehiyon na apektado ng ASF noong 2019 ngayon ay nasa 5 rehiyon na lamang na kinabibilangan ng Cordillera Administrative Region o CAR, Region 3, 8,9 at 12 na lamang ang may kaso ng ASF.
Ayon kay Sabiniano sa kaso naman ng Bird Flu mula sa dating siyam na rehiyon ay dalawang rehiyon na lamang sa bansa ang apektado.
Inihayag ni Sabiniano na unti-unti nang makakabangon ang mga local hog raiser at nag-aalaga ng manok dahil kontrolado na ng Bureau of Animal Industry ang kaso ng ASF at Bird Flu sa bansa.
Niliwanag ni Sabiniano na tuloy-tuloy na ang ginagawang re-population sa mga apektadong babuyan at manukan sa iba-ibang rehiyon na tinamaan ng salot na ASF at Bird Flu.
Vic Somintac