Kaso ng ASF sa Region 4-A, unti-unti nang bumababa
Unti-unti nang bumababa ang kaso ng African Swine Fever o ASF sa Region 4A.
Ayon kay Dept. of Agriculture (DA 4A) Livestock Banner Program Coordinator Dr. Jerome Cuasay, isa sa mga lalawigan na matinding tinamaan ng ASF ay ang Quezon, subalit bumababa na ito ngayon kumpara noong 2019.
Sinabi pa ni Cuasay, na ilan sa interventions na ginagawa ng kanilang tanggapan upang maibalik ang sigla ng pagbababuyan sa rehiyon, ay ang pagsasagawa ng depopulation sa mga apektadong hayop at pagpapatupad ng sentinel program upang magre-populate.
Sa ilalim din ng sentinel program ng DA ay nagsagawa sila ng 30 araw na paglilinis at disinfection, 20 araw na environmental swabbing at 40 araw na observation, at tatlong beses silang kumolekta ng samples para matiyak na wala nang makikitang strain ng ASF virus sa mga alagang baboy, at maaari nang mag-aplay ng clearance sa LGU ang mga magbababoy upang ma-release sa quarantine ang isang barangay.
Matapos naman ang mga proseso ng pag-a-apply sa local declaration na ASF free na ang LGU, ay saka ito i-e-elevate sa National Government.
Mula sa pagiging red zone ay magiging pink zone ito na siyang hudyat na maaari nang muling magre-populate.
Jet Hilario