Kaso ng Covid-19 sa bansa, inaasahang bababa pa sa 500 kada araw pagsapit ng Abril
Posibleng bumaba pa sa 500 ang bilang ng arawang kaso ng Covid-19 sa bansa pagsapit ng Abril.
Ito ang naging pagtaya ng OCTA Reseach Group kung magtutuluy-tuloy ang pagbuti ng sitwasyon ng bansa sa virus disease at kung walang papasok na bagong variant ng Covid-19.
Sinabi ni Dr. Butch Ong ng OCTA Research Team, bagaman bahagyang tumaas ang reproduction rate ng bansa na nasa 0.26, maituturing pa rin itong mababa at nasa good standing level.
Samantala, sa harap ng tuluyang pagbubukas ng mga border ng bansa sa Abril, dapat pa ring maging mahigpit sa pagbabantay ang mga kinauukulan upang hindi makalusot ang virus.
Marami pa rin kasi sa mga kalapit na bansa natin sa Asya ang nakapagtatala ng Covid-19 surge.
Paalala ni Ong sa publiko, manatiling sumusunod sa mga health protocol, magpabakuna at kung may pagkakataon ay magpaturok na rin ng booster.