Kaso ng COVID-19 sa Metro Manila patuloy sa pagbaba
Patuloy na bumababa ang mga kaso ng COVID-19 sa kalakhang Maynila, habang nararanasan naman ang pagtaas ng mga kaso sa iba’t-ibang lugar sa labas ng National Capital Region o NCR Plus.
Ayon kay OCTA Research Group fellow Professor Guido David, nakapagtala na lamang ng 7,200 na mga kaso sa NCR nitong Biyernes kumpara sa 9,400 noong Huwebes.
Aniya . . . “Patuloy namang bumababa sa NCR pero nagsasurge na ngayon outside NCR Plus. Meron na nga tayong record high na surge sa Cebu City, sa Davao City.”
Sinabi ni David na sa Cebu City ay umabot sa higit 700 ang naitalang kaso sa isang araw, doble sa 300 kaso ng COVID-19 sa kasagsagan ng Delta variant.
Dagdag pa nito . . . “Hindi pa yan ang peak nila, baka umabot pa sila sa more than 1,000 per day by next week.”
Nitong Biyernes ay umabot sa higit 32,000 ang kaso ng COVID-19 sa buong bansa.