Kaso ng Delta variant sa CALABARZON, umabot na sa 41
Umakyat na sa 41 ang kaso ng Delta variant ng COVID-19 sa CALABARZON mula sa 36 noong weekend.
Ayon kay DOH CALABARZON Regional Dir. Eduardo Janairo, ang nasabing bilang ay batay sa pinakahuling report na natanggap niya nitong Lunes ng umaga.
Inaalam pa ng opisyal ang detalye ng mga nasabing kaso.
Pero, sa dating 36 Delta cases noong weekend ay tatlo ang aktibong kaso kung saan ang isa ay mula sa Cavite habang ang dalawa ay mula sa Laguna.
Gumaling naman na aniya mula sa COVID ang 21 kaso ng Delta variant.
Sinabi ni Janairo na biniberipika ng DOH CALABARZON ang 11 iba pang kaso.
Sa ngayon aniya ay hindi pa nakakaalarma ang pagdami ng kaso ng COVID sa Region IV-A.
Gayunman, ang nakababahala aniya ay ang pagpasok ng Delta variant sa rehiyon.
Kaya dapat aniyang patuloy na lalong mag-ingat ang publiko.
Tiniyak naman ng regional director na tuluy-tuloy ang contact tracing sa CALABARZON.
Nilinaw ni Janairo na hindi lahat ng positive COVID test result sa rehiyon ay ipinapadala para sa genome sequencing ng Philippine Genome Center (PGC).
May criteria aniya na itinakda ang PGC sa mga isasailalim sa sequencing gaya kung may mataas na viral load ang isang sample.
Paliwanag pa ng opisyal, ang layon ng sequencing ay hindi para alamin kung ilan ang Delta variant sa lugar lalo na’t hindi kaya ng PGC na isailalim sa sequencing ang lahat ng COVID results sa buong bansa.
Aniya ang konsepto ng sequencing ay matukoy kung may Delta variant sa isang lugar upang maabisuhan ang mga lokal na opisyal at publiko na mas kailangang mag-ingat at mas paigtingin ang hakbang para maiwasan ang pagkalat ng mas nakahahawang variant.
Moira Encina