Kaso ng Identity theft iniimbestigahan ng Immigration
Iniimbestigahan na rin ng Bureau of Immigration ang mga insidente ng identity theft sa hanay ng mga biktima ng human trafficking.
Ayon kay Dana Sandoval, tagapagsalita ng BI, isang overseas filipino workers ang naharang sa Ninoy Aquino International Airport habang paalis sana ng bansa at patungong Saudi Arabia.
Ayon kay alyas Olive ito ang unang beses niyang lalabas ng bansa pero sa rekord ng BI may kaparehong pangalan siya na lumabas ng bansa bilang OFW noong 2015 at 2019.
Aminado si Sandoval na mahirap rin para sa kanilang malaman ang mga ganitong kaso ng pagnanakaw ng identity para makalabas ng bansa.
Ayon kay Sandoval, sa panayam ng Immigration personnels kay alyas Olive, umamin ito na noong 2014, may nagrecruit sa kaniya bilang household service workers kung saan pinalitan ang ilang detalye niya gaya ng taon ng kapanganakan pero hindi natuloy ang kanyang pag-alis.
Iginigiit nito na siya ang tunay na may-ari ng pangalan at posibleng may gumamit lang ng kaniyang identity.
Binabantayan na rin ng Immigration ang pagbalik naman sa bansa ng gumamit ng pangalan ni alyas Olive.
Nagbabala naman ang BI sa publiko na maging maingat sa pagbibigay ng impormasyon patungkol sa inyong pagkakakilanlan.
Madelyn Villar-Moratillo