Kaso ng mayor na pinsan ni Pangulong Duterte, hindi pakikialaman ng Malacañang
Muling pinatunayan ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang kamag anak na dapat makalusot sa anomang pananagutan sa batas.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kasunod ng pagsasampa ng kaso sa pinsan ng Pangulo sa Sandiganbayan na si Danao City Mayor Ramonito Duterte Durano III dahil sa umanoy paglabag administrative code na may kaugnayan sa civil service rules.
Sinabi ni Roque isa na naman itong katibayan na walang sini-sino ang Presidente pagdating sa usapin ng pagpapatupad ng batas.
Ayon kay Roque ilang beses ng pinatunayan ng Pangulo na kahit kamag-anak ay kailangang humarap sa kaukulang paglilitis sa sandaling maihabla at maparusahan pa nga kung mapapatunayan na nagkasala.
Noong Disyembre 2017 isa si Dr Melissa Avancena Ardanas sa mga pinatalsik ni Pangulong Duterte na mga Commissioners sa Presidential Commission on Urban Poor dahil sa usapin ng pagbibiyahe.
Si Ardanas ay pinsan ni Ms Honeylet Avancena, ang common law wife ni Pangulong Duterte.
Ulat ni Vic Somintac