Kaso ng pagpatay kay Percy Lapid hindi pa maituturing na sarado , ayon sa DOJ
Hindi pa raw maituturing na sarado na ang kaso ng pagpapatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.
Ito’y kahit sumuko na ang isa sa mga pangunahing suspek sa pagpatay kay Lapid at itinuro ang kaniyang mga kasabwat.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kailangan matukoy pa ang itinuturo nitong mastermind sa loob ng new bilibid prison at iba pa nitong kasabwat.
Inamin naman ni Remulla na malaki ang problema ngayon sa NBP.
Marami aniyang nakukuhang report na aabot sa 300 hanggang 500 libong piso ang bentahan ng telepono sa loob ng bilibid pero hirap pa rin silang matukoy kung sino sino sa mga empleyado doon ang posibleng kasabwat.
Ang naturang mga telepono ang ginagamit para makipagtransaksyon sa labas ng bilangguan.
Ito aniya ang dahilan kaya itinutulak nila ang reporma.
Kabilang na rito ang paglilipat ng maximum security compund sa malalayong probinsya at regionalization ng mga bilangguan.
Kasama na aniya ito sa priority ng gobyerno na target nilang maipatupad sa susunod na tatlo hanggang apat na taon.
Meanne Corvera