Kaso ng sakit sa puso tumaas ng 28% sa panahon ng pandemya
Sinabi ng Phil. Heart Association (PHA), na tumaas ng 28% ang kaso ng sakit ng puso habang kasagsagan ng Covid-19 pandemic.
Ayon kay PHA President Dr. Gilbert Vilela, nakagugulat at nakababahala ang halos 30% na pagtaas sa kaso ng sakit sa puso ngayong pandemic.
Isa aniya sa maituturing na sanhi ay ang hindi pagpapa-check-up dahil sa takot na magpunta sa mga ospital, kahit may nararamdaman.
Labis din aniyang nakaaapekto sa puso ang pag-aalala at mental stress, na dinanas ng marami mula nang magka-pandemya.
Sinabi ni Dr. Vilela, na nakadaragdag din sa problema ang kinakain ng isang tao laluna kung ito ay mamantika at maalat kaya maaari aniyang atakihin ang mayroon nang sakit sa puso, habang posible namang magkasakit sa puso ang wala pa nito.
Batay sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ipinalabas noong February 22, 2022, umabot sa 125,913 o 17.9% ng kabuuang bilang ng mga namatay mula Enero hanggang Nobyembre noong 2021 ang dahil sa ischemic heart disease. Sinundan naman ito ng cerebrovascular disease na umabot sa 68,180 o 9.7%.