Kasong administratibo at kriminal ipupursige laban sa 2 police generals – Abalos
Sasampahan ng kasong administratibo at kriminal ang dalawang police general at dalawang police colonel dahil sa pagkaka-ugnay sa illegal drugs.
Ito’y matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekomendasyon ng 5-man advisory council na tanggapin ang courtesy resignation ng apat na opisyal matapos lumabas sa evaluation na sangkot sila sa illegal drugs.
Tiniyak ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na papangalanan nila ang nasabing mga opisyal sa loob ng susunod na dalawa hanggang tatlong linggo matapos ang pre-charge investigation at sa sandaling maisama na ang kasong administratibo.
Naglabas na rin ng resolusyon ang National Police Commission (NAPOLCOM) para sa pagtutuloy ng pre-charge investigation sa nasabing mga opisyal para gumulong ang administrative cases.
Samantala ang kasong kriminal naman ay pangangasiwaan ng Deputy Ombudsman for Military and Other Law Enforcement Offices (MOLEO).
“We are doing this so that the cases will continue even if their courtesy resignations are accepted,” paliwanag ni Abalos sa isang news conference.
Sinabi ni Abalos na ang administrative cases ay maaaring magresulta sa forfeiture ng mga benepisyo ng police officials, samantalang ang criminal charges naman ay para matiyak na mananagot sila sa nagawang krimen.
“For clarity, acceptance of resignation is without prejudice to any administrative cases against these officers and will not release them from any liability,” dagdag pa ng DILG chief.
Sa ilalim ng Republic Act No. 6975, ang NAPOLCOM, sa ilalim ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang inatasan para magkaroon ng administrative control sa PNP. Ito rin ang magre-repaso sa administrative cases na isinampa laban sa police force.
Samantala, tinanggap rin ng NAPOLCOM ang rekomendasyon ng 5-man advisory team na linisin ang hanay ng pulisya mula sa illegal drug ties.
“The advisory group recommended the following: No.1, non-acceptance of the resignation of 917 officers, No.2, further investigation of 33 other officers. No.3, acceptance of the courtesy resignation, and filing of administrative and/or criminal cases against four; specifically, two generals and two colonels,” dagdag na pahayag ni Abalos sa mga reporter.
Sinabi naman ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na kasalukuyang naka-floating status sa kanilang Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) ang apat na opisyal.
Sinabi pa ni Acorda na walang hawak na key positions ang mga ito.
Pero kinumpirma ni NAPOLCOM Vice Chairman Alberto Bernardo na dating nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG) ang apat.
Sinimulan ang pag-iimbestiga sa matataas na opisyal ng PNP dahil sa nangyari umanong cover up sa pag-aresto kay dating anti-drug intelligence officer Rodolfo Mayo Jr. at sa nakumpiskang 990 kilos na shabu na nagkakahalagang P6.7 billion.
Weng dela Fuente