Kasong graft laban kina dating Caloocan City Mayor Echiverri at 2 iba pa ibinasura ng Sandiganbayan
Ibinasura ng Sandiganbayan Sixth Division ang kasong graft laban kay dating Caloocan City Mayor Enrico Echiverri at dalawang opisyal ng city government.
Pinagbigyan ng korte ang demurrer to evidence na inihain nina Echiverri, City Accountant Edna Centeno at Budget Officer Jesusa Garcia dahil mahina umano ang ebidensya na iprenisinta ng prosekusyon.
Ang tatlo ay kinasuhan dahil sa iregularidad umano sa pinasok nitong P16.4 milyong kontrata P.B. Grey Construction noong 2011 para sa pagsasaayos ng kalsada at drainage kahit hindi ito kasama sa budget.
May dagdag na kasong falsification sina Centeno at Garcia dahil sa pagpapalabas ng Allotment and Obligation Slip certificate kahit na wala namang budget para rito.
Ulat ni Madz Moratillo