Kasong Perjury, isinampa sa dating alkalde ng Tiaong Quezon
Kinasuhan nang Perjury o Pagsisinungaling ang dating alkalde ng Tiaong, Quezon na si Ramon Preza sa Lucena City Regional Trial Court Branch 53 batay na resolusyon ng Lucena City Prosecutors Office.
Ang kaso ay nag-ugat sa umano’y pagsisinungaling ni Preza nang akusahan niya ng kasong pandaraya at pangloloko ang negosyanteng si Frankie Ong sa perang nagkakahalaga ng halos aabot sa halos 50 milyong piso.
Pero lumalabas sa imbestigasyon na ang nasabing halaga ay personal na pagkakautang lamang ni Ong sa kanya ayon na rin sa Counter-affidavit na isinumite ni Preza sa Makati Prosecutors Office.
Inisyuhan ito ng warrant ng Korte pero pansamantala namang nakalalaya matapos maglagak ng 25 libong piyansa.
Kung mapatunayang nagkasala si Preza sa kasong Perjury, pagkakakulong na hindi bababa sa 6 na taon at 1 araw hanggang 10 taon at multang hindi lalampas sa 1 milyong piso ang kaniyang kakaharapin.
Nauna nang kinasuhan ng katiwalian si Preza sa Office of the Ombudsman, dahil sa di umano’y paggamit niya ng kanyang impluwensiya at kapangyarihan noong alkalde pa ito upang paboran ang ilang negosyo niya.