Kasong possession of illegal drugs laban kay Julian Ongpin, pormal nang naisampa sa korte
Naihain na sa hukuman ng DOJ ang kasong possession of dangerous drugs laban kay Julian Ongpin.
Kinumpirma ni Office of the Prosecutor General Spokesperson Atty. Honey Rose Delgado na naisampa na sa San Fernando City, La Union Regional Trial Court ngayong Martes ang kaso laban kay Ongpin.
Sa ngayon aniya ay wala pang naipalalabas na warrant of arrest laban kay Ongpin ang korte.
Sinabi ni Delgado na epektibo pa rin ang precautionary hold departure order (PHDO) laban sa akusado na inisyu ng hukuman noong Oktubre 8 hanggat hindi ito inaalis.
Si Ongpin ay iniimbestigahan din ng mga otoridad kaugnay sa pagkamatay ng visual artist na si Bree Jonson noong Setyembre 18.
Ang kasong drug possession ay nag-ugat sa mahigit 12 gramo ng cocaine na nakumpiska ng mga pulis sa hostel room na tinutuluyan nina Ongpin at Jonson sa San Fernando, La Union bago ideklarang patay sa ospital ang artist.
Moira Encina