Kasong Statutory rape, isinusulong na iakyat sa edad na 16 na taong gulang
Isinusulong ni Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri na gawing krimen na o Statutory rape ang pakikipagtalik sa babae na nasa edad 16 pababa.
Sa harap ito ng pagtaas ng kaso ng mga batang nabubuntis na nasa edad na 10 hanggang 17 taong gulang.
Sa kasalukuyang batas, 12 taon ang Statutory rape age.
Ayon kay Zubiri, kailangan itong gawin para pigilan ang teenage pregnancy at maparusahan ang mga umaabuso at nagsasamantala sa mga kabataan na tinawag nitong predators.
Tinukoy ng Senador ang 2016 National Baseline study on Violence against Children kung saan nakasaad na isa sa bawat limang kabataan na wala pang edad 18 ang nakaranas ng pag-abusong sekswal.
Kapag naging batas ang kaniyang panukala, awtomatiko nang krimen na Statutory rape ang pakikipagtalik ng isang adult o nasa hustong gulang sa wala pang 16 na taong gulang kahit pa sabihing may relasyon sila.
Iginiit ni Zubiri na dahil sa maagang pagbubuntis, hindi sila nakakapag-aral kaya maliit ang kinikita dahilan kaya umaabot sa 33 Bilyong piso kada taon ang nawawala sa ekonomiya ng gobyerno.
Meanne Corvera