Kasong terorismo laban sa dalawang Aetas, ibinasura ng Olongapo court
Ipinagutos ng Olongapo City Regional Trial Court na palayain ang dalawang Aetas na sinasabing unang kinasuhan sa ilalim ng Anti- Terrorism Act.
Ayon kay Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta, ang kautusan ay inisyu ni Branch 97 Presiding Judge Melani Fay Tadili matapos na ibasura ang kasong terorismo laban sa mga akusadong sina Japer Gurung at Junior Ramos.
Inabsuwelto ng hukuman sina Gurung at Ramos matapos paboran ang demurrer to evidence na inihain ng PAO Olongapo dahil sa kakulangan ng ebidensya laban sa dalawa.
Sinabi ng korte na hindi napatunayan o hindi positibong kinilala ng mga sundalo sina Gurung at Ramos bilang mga salarin sa krimen.
Dahil dito, unlawful din ang pag-aresto sa dalawa at invalid din ang isinagawang warrantless search sa mga akusado.
Hinuli ang dalawa ng mga awtoridad sa San Marcelino, Zambales noong August 2020 dahil sa sinasabing pagiging miyembro ng NPA at pakikipagbarilan sa mga miyembro ng militar na nagresulta sa pagkamatay ng isang sundalo.
Ang dalawa ay ikinulong sa Olongapo City Jail.
Moira Encina