Kasong Transportation and Delivery of Dangerous drugs, isinampa ng DOJ laban sa 9 na indibidwal kaugnay sa 6.4 bilyong pisong shabu shipment
Nagsampa ng panibagong kaso ang DOJ sa hukuman kaugnay sa 6.4 bilyong pisong halaga ng smuggled shabu galing sa China.
Sa 7-pahinang Criminal information na inihain ng DOJ sa Valenzuela City Regional Trial court, sinampahan ng kasong Transportation and delivery of Dangerous drugs sa ilalim ng RA 9165 ang siyam na indibidwal na dawit sa pagkakapuslit sa bansa ng shabu shipment.
Kabilang sa mga kinasuhan sina Chen Julong alyas Richard Tan; Li Guang Feng alyas Manny Li; Dong Yi Sheng alyas Kenneth Dong; Mark Ruben Taguba II; Eirene Mae Tatad; Teejay Marcellana; Chen I-Min; Jhu Mying Jyun; Chen Rong Huan at ilan pang John Does, Jane Does at George Does.
Ayon sa DOJ, nagsabwatan angmga akusado para maibyahe at madala ang shabu shipment sa isang warehouse sa Valenzuela.
Walang inirekomendang piyansa ang DOJ para sa paglaya ng mga akusado.
Nag-ugat ang kaso laban sa siyam sa reklamong inihain ng PDEA sa DOJ.
Ang kasong kriminal ay pirmado nina Assistant State Prosecutors Aristotle Reyes, Rodan Parrocha at Associate Prosecution Atty. II Joan Carla Guevarra-Garcia at aprubado ni Acting Prosecutor General Jorge Catalan Jr.
Ang nasabing kaso ay hiwalay sa kasong drug importation labans a siyam na nakahain sa Manila RTC.
Inilipat ng DOJ sa Manila RTC mula sa Valenzuela RTC ang drug importation case dahil sa isyu ng kawalan ng hurisdiksyon.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===