Kasunod ng Panay blackout, ERC inatasang kumpletuhin na ang pagrepaso sa rate reset ng NGCP
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang Energy Regulatory Commission (ERC), na agad kumpletuhin ang rate reset review para sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), kasunod nang nangyaring malawakang blackout sa isla ng Panay noong Enero 2.
Sa isang video message, sinabi ng Pangulo na inatasan din niya ang ERC na “tiyakin ang pagsunod ng NGCP sa mga obligasyon nito sa batas at regulasyon, at upang ipagtanggol ang anumang pagtatangkang ipagpaliban, antalahin, o pigilan ang pagpapatupad ng mga hakbang sa regulasyon.”
Ayon sa punong ehekutibo, bagama’t naibalik na ang kuryente, ang sitwasyon ay nagdulot ng hirap sa mga residente.
Sinabi ng pangulo, “Accountability lies with the NGCP. They are tasked with grid stability. Stability involves proactive responses to breakdowns and unexpected events, a duty that NGCP unfortunately has not fulfilled adequately.”
Dagdag pa niya, ang kabiguan ng NGCP na kumilos sa “mahalagang dalawang oras,” ay “isang napalampas na pagkakataon.”
Aniya, “As the systems operator, NGCP must proactively engage with distribution utilities and cooperatives to manage loads and prevent such system collapses.”
Inulit ng Pangulo ang kanyang panawagan para sa NGCP na maging transparent sa mga stakeholder, utilities at regulators nito, kilalanin ang responsibilidad nito at maging transparent sa pagtukoy ng mga kahinaan sa transmission system.
Sa isa namang pahayag kasunod ng kamakailang blackout, nanawagan ang NGCP para sa mas mahusay na pagpaplano nang mapagkukunan ng enerhiya sa lugar upang “tiyakin ang sapat na generation sa bawat isla” na may isang “well-balanced” mix ng fuel at reknolohiya.
Ayon sa gobyerno, ito ang ikalawang pagkakataon na ang Panay Island ay nakaranas ng mahabang power interruption sa loob ng wala pang isang taon.