Katawan ng isang hostage natagpuan malapit sa Gaza hospital
Natagpuan ng Israeli soldiers malapit sa pinakamalaking ospital sa Gaza, ang katawan ng isang hostage na binihag ng Hamas militants nang umatake ang mga ito sa southern Israel noong Oktubre 7.
Sinabi ng isang military spokesman na ang bangkay ng babae ay si Yehudit Weiss, na aniya’y pinatay ng mga militante sa Gaza.
Sinabi ni spokesman Daniel Hagari sa isang televised briefing, “Yehudit was murdered by the terrorists in the Gaza Strip and we didn’t manage to reach her in time.”
Paulit-ulit namang inakusahan ng Hamas ang Israel na responsable sa pagkamatay ng mga hostage kabilang ang mga Israeli dahil sa matindi nilang pambobomba sa Gaza Strip.
Sinabi ng Israeli officials na humigit-kumulang sa 240 katao ang binihag nang umatake ang Hamas, na ikinasawi ng may 1,200 katao, na karamihan ay mga sibilyan.
Simula noon, sinabi ng Hamas government officials na ang mga pambobomba ng Israel at ground offensive ay ikinasawi na ang mahigit sa 11,500 katao, na karamihan ay mga sibilyan at kinabibilangan ng libu-libong mga bata. .
Ayon sa Hostages and Missing Families Forum, ang 65-anyos na si Weiss, ay dinukot mula sa kanyang tahanan nang ang kanyang Gaza border kibbutz community ng Beeri ay salakayin ng mga militanteng Hamas noong Oktubre 7.
Sinabi ng Israeli group, na ang asawa nito ay namatay sa pag-atake, at idinagdag na ang mag-asawa ay may limang anak, apat ay nasa Beerin rin nang mangyari ang pag-atake subalit nakaligtas.
Sinimulan ng Israeli special forces ang pag-raid sa Al-Shifa hospital umaga ng Miyerkoles, kung saan sinabi ng isang opisyal na nakakita sila ng footage sa mga computer na nasa pasilidad na may kaugnayan sa nangyaring pangho-hostage.
Sinabi ng Hamas na ang operasyon ay lubhang puminsala sa ospital, na “focal point” ng giyera ng Israel sa Hamas.
Inaangkin kasi ng Israel na ang Hamas ay nago-operate ng isang base sa ilalim ng Al-Shifa, na itinanggi naman ng Islamist movement.
Ayon sa pahayag ng army, “military equipment including Kalashnikov rifles and RPGs were found in the same location as Weiss’s body.”
Una rito ay sinabi ng isang Israeli official na ang mga sundalo ay nago-operate sa loob ng pasilidad, kung saan iniisa-isa nila ang mga gusali, mga palapag, habang ang daan-daang mga pasyente at medical staff ay nasa loob.
Ayon pa sa naturang opisyal, nakatagpo sila sa Al- Shifa ng intelligence materials kabilang ang equipment “na pag-aari ng Hamas’ na kanilang kinumpiska at dinala para sa “karagdagang eksaminasyon at imbestigasyon.”
Isang AFP journalist na nasa ospital ang nagsabing daang-daang mga sundalo ang kasama sa operasyon, kung saan pinalibutan nila ang mga gusali at gumamit ng armoured bulldozers upang makalusot sa mga dingding.