Kaugnayan sa Maute group, itinanggi ni Ex- Marawi Mayor Fajad Salic

Mariing itinanggi ni dating Marawi City Mayor Sultan Fajad Pre Salic na mayroon itong kinalaman sa nangyaring kaguluhan sa siyudad na dati nitong pinamunuan sa loob ng siyam na taon.

Si Salic ay unang isinangkot noon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kabilang sa mga pulitiko na nasa Narco-politics.

Katunayan, boluntaryo pa itong sumuko sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency-10 para pabulaanan ang pagdawit sa kanya ni Duterte sa droga.

Samantala, nakatakdang iprisinta ngayong araw si Fajad  ng pulisya sa local media sa Regional Headquarters ng Philippine National Police (PNP)-10 na nakabase sa 1 Lt Vicente Alagar sa Barangay Lapasan, Cagayan de Oro City.

Ito’y matapos mahuli si Salic dahil sa kasong rebelyon nang maharang ang kanyang sinasakyan na kulay puting Ford Ranger na mayroong plaka na PN 1151 sa Barangay San Martin, Villanueva, Misamis Oriental, kagabi.

Ayon kay PNP Regional Spokesman Supt. Lemuel Gonda  papunta sa sentrong bahagi ng lungsod si Salic nang masita ng mga  pulis sa road checkpoint sa lalawigan.

Ayon kay Gonda, isasailalim pa sa karagdagang imbestigasyon si Salic lalo pa’t isinangkot ito sa akusasyon na nasa likod ng pag-atake ng mga teroristang Maute at Abu Sayyaf Group sa Marawi City.

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *