Kauna-unahang barkong gawang Pinoy, inilunsad
Sa kauna-unahang pagkakataon, mayroon ng makabago at modernong Roll- on Roll-off cargo vessel na maglalayag sa ating karagatan na gawang Pinoy at dito mismo ginawa sa bansa.
Ito ay ang MV Isla Simara na simula sa susunod na linggo ay bibiyahe na mula sa Matnog, Sorsogon patungong Allen sa Northern Samar.
Ipinagmalaki ni Vicente Cordero, chairman ng Shogun Ships company inc. ang gumawa ng MV Isla Simara, na ang kanilang bagong barko ay maraming safety features kaya tiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Mayroon rin itong marine evacuation system, isang life saving device kung saan hindi na mababasa ang mga pasahero sakaling kailanganing lumikas sa barko dahil kailangan lang nilang mag-slide sa isang inflatable slide patungo sa life raft.
Ayon kay Cordero, nais nilang patunayan na kaya din ng mga Pinoy na makagawa ng isang world class na barko na tiyak na maipagmamalaki.
Aniya sa Pilipinas maraming barko ang matanda na kung saan ang iba ay may apat na pung taon ng naglalayag sa karagatan…habang sa ibang bansa kapag naka-25 taon na ang barko ay hindi na ito pinapayagang makapag operate.
Ang kanilang hakbang na ito ay bilang pagsunod na rin aniya sa kautusan ng Maritime Industry Authority hinggil sa ship modernization para na rin masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero at maiwasan ang mga aksidente sa karagatan.
Ulat ni Madz Moratillo