Kauna-unahang Budayaw festival, gaganapin sa Mindanao sa Setyembre 2017
Inaabangan na ang pagtatanghal at pagdaraos ng kauna-unahang Budayaw Festival sa Setyembre 20 hanggang 24 sa General Santos City at probinsiya ng Sarangani.
Magsasama-sama sa festival ang apat na miyembro ng BIMP-EAGA o Brunei, Indonesia, Malaysia at Philippines-East ASEAN Growth Area upang magtanghal ng multi-dimensional at multi-disciplinary festival of arts and culture.
Sa ilalim ng temang “Taking Pride in the Creative Diversity of the BIMP-EAGA Region, tampok sa limang araw ng pagdiriwang ang iba’t-iba, makukulay at mga malikhaing ekspresyon ng rehiyon.
Aabot sa halos 300 mga contemporary artists at indigenous cultural masters mula sa nasabing apat na bansa ang magtitipun-tipon upang i-display ang kanilang mga obra sa iba’t-ibang venue sa Gensan at Sarangani province.
Ang Budayaw festival ay idinaraos tuwing bawat ikalawang taon sa alinmang 4 member countries ng BIMP-EAGA.
Ang BIMP-EAGA ay naitatag noong 1994 upang maging kaakibat sa pagpapaunlad ng social at economic problems ng mga mahihirap at malalayong teritoryo sa Silangang bahagi ng mga nasabing bansa.
Napili ang Pilipinas ngayong 2017 bilang punong abala rin sa pagdiriwang ng 50th Asean founding anniversary.
Ilan sa mga napagkasunduan ng mga lider ng BIMP ay ang pagpapalakas ng koneksyon sa pagitan ng mga bansang kasapi ng BIMP, pagtatatag ng BIMP-EAGA bilang food basket ng ASEAN; Pagtataguyod ng BIMP-EAGA bilang regional tourism destination at pangangalaga sa kapaligiran.