Kauna- unahang DOT- DOLE tourism job fair, dinagsa ng mga aplikante sa industriya ng turismo
Isa ang sektor ng turismo sa pinaka-naapektuhan ng lockdowns bunsod ng pandemya.
Pero ngayong unti-unti nang nagluluwag ang bansa sa health protocols at nagbubukas na muli ang turismo ay nangangailangan na muli ang tourism establishments sa bansa ng mga empleyado.
Ang malaking job vacancies sa industriya ng turismo ang nag-udyok sa Department of Tourism at Department of Labor and Employment para magsagawa ng kauna-unahang tourism job fair na Trabaho, Turismo, Asenso! na sabayang isinagawa sa mga lungsod ng Pasay, Cebu, at Davao.
Aabot sa mahigit 8,000 trabaho ang inalok sa DOT- DOLE job fair.
Dinagsa naman ng job applicants sa sektor ng turismo ang job fair sa Pasay City na magtatagal hanggang sa Sabado, September 24.
Ang mga bakanteng trabaho ay mula sa accommodation establishments, travel and tour services, Meetings, Incentives, Conventions and Exhibitions (MICE) facilities and organizers, tourist transport operators, health and wellness services, restaurant/food service at iba pang tourism-related establishments.
Sa Pasay City, nilahukan ang job fair ng nasa 70 kumpanya at nasa 1,000 ang pre-registered job seekers sa Pasay maliban pa sa walk- in applicants.
Kabilang sa mga nagtungo sa tourism job fair para maghanap ng trabaho ang mga fresh graduate at mga magtatapos pa lang.
Isa rin sa mga aplikante ang dating OFW at hotel employee na si Shiela May Israel na nawalan ng trabaho dahil sa Covid pandemic.
Kaya mula sa Dubai ay umuwi sa Pilipinas si Shiela May.
Aniya, nang mabalitaan niya na may job fair ay nagpunta siya lalo na’t maraming international hotels ang kalahok.
Pinalad naman agad ang mag-best friend at mga bagong Hospitality Management graduate na sina Mery Joy Lopez at Sharmane Herbio na ma-hire agad.
Ang dalawa ang pinakauna na na-hire on the spot sa tourism job fair ng DOT at DOLE.
Hindi inaasahan ng magkaibigan na galing pa sa Laguna na makukuha agad sila sa kumpanya na una nilang pinag-applyan.
Napakahalaga anila na makuha sa trabaho lalo na’t kailangan din nila na makatulong sa kanilang pamilya.
Tiniyak ng DOT na masusundan pa ang tourism job fair sa unang quarter ng susunod na taon at sa Mayo na anibersaryo ng kagawaran para umagapay sa tourism recovery.
Moira Encina