Kauna-unahang forum para sa implementasyon ng Tatak Pinoy law, inilunsad ng DTI
Pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kauna-unahang forum para maipakilala sa stakeholders at matagumpay na maipatupad ang bagong batas na Tatak Pinoy law, na nilagdaan noong Pebrero ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Aminado si Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual na kakailanganin ng gobyerno ang tulong ng mga pribadong sektor at iba pang grupo para maging matagumpay at makamit ang layunin ng RA 11981 o Tatak Pinoy Act.
Ayon kay Pascual, “We recognized that government cannot achieve this vision alone. We need a whole nation approach. The cooperation and active approach of all stakeholders from the privaye sectors, academia, our development partners, and our civil society organizations.”
Sinabi rin ni Senador Sonny Angara na pangunahing may akda ng RA 11981, na hindi magiging madali ang implementasyon ng batas.
Ani Angara, “Passing the law was the easier part and the more difficult part is the implementation cause we have to have an evidence based approach.”
Isa sa mga pangunahing layunin ng Tatak Pinoy Act bukod sa paghikayat sa mga Pilipino na suportahan ang mga produkto gawa sa Pilipinas, ay maging mas produktibo at globally competitive ang mga lokal na industriya ng sa ganon ay mas mapasigla rin ang export at ekonomiya ng Pilipinas.
Sinabi ni Pascual, “Ang objective talaga ay magkaroon tayo ng mga produkto na magpapaangat sa ating export performance.. ang layo natin pinakita ko nga sa ibang mga kapitbahay na bansa sa volume ng exports.”
Tiniyak naman ni Angara na incoming Education Secretary, na makikipagtulungan ang Department of Education (DepEd) sa DTI, para magkaroon ng skilled at world- class workers na kakailanganin upang tulungan na mapalakas pa ang mga lokal na industriya.
Nanawagan naman ang DTI sa mga lokal na kumpanya at negosyo, na samantalahin ang oportunidad na ipinagkakaloob ng Tatak Pinoy law upang maipakilala sa mundo ang pinakamahuhusay na produktong Pinoy at maging mitsa para mas lalong lumago ang ekonomiya ng bansa.
Ayon sa kalihim ng DTI, “Katuwang ninyo ang DTI sa pagpapalakas ng industriyang Pilipino. Sama-sama, ipakita natin ang tatak Pinoy sa buong mundo, angat negosyo.”
Moira Encina-Cruz