Kauna-unahang kaso ng B.1.1.318 variant ng Covid-19 sa bansa, natukoy; Higit 300 bagong kaso ng Delta variant, naitala rin
Kinumpirma ng Department of Health na may natukoy silang unang kaso ng B.1.1.318 variant ng Covid-19 dito sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, natukoy ito mula sa sample na nakolekta noong March 10 mula sa laboratoryo ng Philippine Red Cross.
Ang kauna-unahang kaso ng B.1.1.318 variant sa bansa ay isang 34-anyos na lalaki na dumating sa bansa noong March 5 mula sa United Arab Emirates.
Batay sa rekord, nakarekober aniya ito mula sa sakit noong March 21 at siya ay taga- Bacolod.
Nilinaw naman ni Vergeire na walang dapat ipangamba ang publiko dahil sa kasalukuyan, ang B.1.1.318 ay isang variant under investigation pa lamang.
Una aniya itong natukoy sa Mauritius kung saan 120 cases roon ang nakitaan ng B.1.1.318.
Batay sa pag-aaral, nakitaan ang variant na ito ng ilang mutation na kapareho ng nakita sa Delta at Beta variant.
Samantala, may 380 bagong kaso ng Delta variant na natukoy sa bansa.
Ayon kay Vergeire, mula ito sa 746 samples na nakolekta noong March, April, September at October.
Mula sa nasabing samples, may 104 kaso ng Alpha variant rin na nakita at 166 na kaso ng Beta variant.
Madz Moratillo