Kauna-unahang monitoring center para mabantayan ang dumaraming ulat ng online sexual exploitations sa mga bata, pinasinayaan
Pinasinayaan na ng DOJ Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT) at NBI ang kauna-unahan at nag-iisang pasilidad sa bansa para mabantayan ang tumataas na kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) sa bansa.
Ito ay ang Cyber- TIP Monitoring Center na pangangasiwaan ng NBI–Anti-Human Trafficking Division kasama ng 10 intelligence agents na itatalaga ng IACAT.
Nakatuwang ng DOJ at NBI sa pagtatag ng monitoring center ang UK National Crime Agency (UK NCA).
Ayon sa IACAT, may latest software at hardware tools din ang monitoring center na makatutulong para mapalakas pa ang mga hakbangin ng council sa pagdakip ng mga salarin sa OSEC.
Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na ang paglaganap ng paggamit ng internet at social media sa bansa ay nakadagdag sa pagkakaroon ng mga bagong mode sa human trafficking at sa pagdami ng kaso ng OSEC.
Gayunman, ang mga advancement sa teknolohiya aniya ay makatutulong din sa pagtukoy sa mga perperators ng sexual exploitation ng mga bata online.
Naniniwala naman si Justice Usec. Emmeline Aglipay-Villar na ang pagkakaroon ng unang Cyber TIP Monitoring Center ay mahalagang hakbang upang mawakasan nang tuluyan ang OSEC.
Inihayag pa ni IACAT Executive Director Jinky Dedumo na “crucial” ang institutionalization ng nasabing tech facility para magkaroon ng malakas na cyber defense at mas madali na ma-detect ng pamahalaan ang lahat ng
online child sexual abuse materials (CSAM) gaya ng live streams at agad din itong maireport.
Moira Encina