Kauna-unahang thermosolar plant ng Latin America, pinasinayaan sa Chile
SANTIAGO, Chile (AFP) – Pinasinayaan na sa Chile ang kauna-unahang thermosolar energy plant ng Latin America.
Isa itong napakalawak na complex na tinawag na Cerro Dominador na nasa Atacama desert, na magbibigay sigla sa pagsisikap ng bansa na maging carbon-neutral na sa 2050.
Sa isang lugar na lampas 700 ektarya, ay 10,600 mga salamin ang nakapalibot sa isang 250-metrong taas na tower, na nilagyan ng isang receiver kung saan magre-reflect ang sinag ng araw.
Ang mga tinunaw na asin naman sa receiver ang hihigop sa init na siyang gagamitin para makapag-generate ng kuryenteng aabot sa 110 megawatts, sa pamamagitan ng isang steam turbine.
Kasama ng katabi nitong photovoltaic plant, kaya ng Cerro Dominador complex na makapag-produce ng 210 megawatts ng renewable energy.
Ayon sa mga operator ng planta, ang asin ay kayang mag-imbak ng enerhiya ng hanggang 17.5 oras, na magbibigay naman ng pagkakataon sa system na tuloy-tuloy na mag-operate nang walang direktang sikat ng araw, 24-oras araw-araw.
Sa ginanap na inagurasyon, sinabi ni Chilean President Sebastian Pinera . . . “It will allow us to save more than 600,000 tons of CO2 emissions per year. That is equivalent to what 300,000 cars emit in a year.”
Ang carbon dioxide ang greenhouse gas na sinisisi para sa climate change at global warming.
Ang carbon dioxide ay mula sa nasusunog na carbon-based fuels na ginagamit sa transportasyon at power generation, construction, deforestation, agriculture at iba pang mga gawain, na namamalagi sa atmospera at mga katubigan sa loob ng libo-libong taon.
Kaugnay ng 2015 Paris climate agreement, na naglalayong mapigilan ang global warming ng hindi lalampas sa 2 degrees Celcius sa pre-industrial levels, nangako ang Chile na gagawing carbon neutral ang kanilang bansa sa 2050.
Ang konstruksiyon ng Cerro Dominador ay nagsimula noong 2014 sa kalagitnaan ng Atacama desert, may tatlong libong metro above sea level.
Ayon kay Pinera, magpapasinaya pa ang Chile ng dagdag na energy projects ngayong taon, upang makatugon sa “urgent challenge” ng climate change.
@Agence France-Presse