Kauna-unahang tourist group, dumating na sa Israel mula nang ipatupad ang COVID-19 lockdown
Opisyal nang binuksan ng Israel ang pintuan nito sa mga dayuhang turista.
Ito ay mahigit isang taon mula nang ihinto ng Israel noong Marso 2020 ang international tourism sa bansa dahil sa banta ng COVID-19.
Inanunsyo ng Israel Ministry of Tourism na dumating na sa Israel ang unang grupo ng international tourists na kinabibilangan ng 11 Amerikanong theological students at kanilang professor.
Sinalubong ang nasabing grupo ni Minister of Tourism Orit Farkash-Hacohen.
Ayon sa opisyal, napagtagumpayan ng Israel ang COVID matapos manguna sa buong mundo sa pagbabakuna sa populasyon nito.
Aniya balik sa normal at bukas na muli ang mga restaurants, hotels, pamilihan, national parks, sporting venues, at concerts sa Israel.
Sa susunod na mga araw at mga linggo ay 19 na karagdagang grupo mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang darating sa Israel.
Ayon sa Ministry of Tourism, ang plano ay taasan ang bilang ng mga grupo na pinapayagan na makapasok sa bansa at kalaunan ay buksan na rin ang Israel sa mga indibidwal na dayuhang turista pagdating ng summer doon.
Para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, lahat ng mga bibisita sa bansa ay kailangang fully vaccinated laban sa virus, negatibo ang resulta ng PCR test, at isasailalim sa antibodies test pagdating sa Israel.
Moira Encina