Kautusan ng Office of the Ombudsman na naglilimita sa pagkuha ng kopya ng SALN ng mga nasa gobyerno, ipinapawalang-bisa sa Court of Appeals
Kinuwestyon ni Atty Lorenzo Gadon sa Court of Appeals ang constitutionality ng kautusan ni Ombudsman Samuel Martires na naghihigpit sa paglalabas ng SALN ng mga opisyal ng gobyerno.
Sa inihain niyang petisyon, hiniling ni Gadon sa CA na ideklarang labag sa Saligang Batas at walang-bisa ang Memorandum Circular No. 1 Series of 2020 na inisyu ni Martires.
Sa nasabing memorandum, limitado na lamang ang pwedeng humingi ng kopya ng SALN ng mga government officials.
Maaari lamang ilabas ng Ombudsman ang SALN kung ito ay hiningi mismo ng opisyal o kinatawan nito; kung ito ay iniutos ng korte kaugnay sa pending na kaso; at kung hiniling ito sa Field Investigation Office ng Ombudsman para sa fact-finding probe.
Una nang hiniling ni Gadon sa Korte Suprema ang kopya ng SALN ni Supreme Court Justice Marvic Leonen dahil sa sinasabing hindi paghahain nito ng SALN ng ilang taon noong ito pa ay faculty ng UP College of Law.
Tinanggihan ito ng SC nang walang dahilan.
Sinabi ng abogado ng kung hindi kumpleto ang SALN ni Leonen ay lalabas na hindi ito kwalipikado na maupo bilang SC justice.
Paliwanag pa ni Gadon, ang kaso ni Leonen ay tulad ng kaso ni Atty Maria Lourdes Sereno na natanggal bilang punong mahistrado dahil sa non -filing ng SALN noong nasa UP Law pa ito.
Pero ipinunto ni Gadon na hiwalay na isyu ang memorandum ng Ombudsman na kanilang kinukwestyon sa CA dahil sa binabago nito ang nakasaad sa Saligang Batas ukol sa karapatan ng publiko sa SALN ng mga opisyal.
Moira Encina