Kautusan ng Pangulo na magbaba ng taripa sa imported na bigas, pinababasura
Pinababasura ng mga Senador sa Malakanyang ang Executive Order 135 na nagpapahintulot na ibaba ang taripa sa bigas ng 35 percent mula sa kasalukuyang 40 hanggang 50 percent.
Naghain ng Resolusyon sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senador Nancy Binay, Leila de Lima, Risa Hontiveros at Francis Pangilinan para harangin ang kautusan.
Iginiit ng mga Senador na walang basehan para ibaba ang buwis sa bigas.
Babala ng mga mambabatas, makaka-apekto ito sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka bukod pa sa mawawalang revenue collection na tinatayang aabot sa 548 million pesos.
Ayon sa mga Senador, naiintindihan nila ang pagmahal ng imported na bigas lalo na ang mula sa Asean region pero dulot ito ng global economic situation.
Giit ng mga Senador, hindi naman kailangang umangkat dahil mismong si Agriculture Secretary William Dar ang nagsabing may sapat na suplay ng bigas ang bansa dahil sa magandang ani noong nakaraang taon.
Meanne Corvera