Kautusan ni Pangulong Duterte na military take-over sa operasyon ng Bureau of Custom, ligal – Malakanyang
Ipinagtanggol ng Malakanyang ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na military personnel ang magpapatupad sa operasyon ng Bureau of Customs o BOC.
Kasunod ito ng matinding galit ng Pangulo sa buong personnel ng Customs dahil sa pagkakalusot ng bilyong pisong halaga ng shabu ng dalawang beses na.
Sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na may legal na basehan ang hakbang ng Pangulo matapos atasan si bagong Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na humugot ng military personnel na magpapatakbo sa operasyon ng BOC matapos ilagay sa floating status ang lahat ng intelligence officers at customs police dahil sa nagaganap na korapsyon sa adwana.
Ayon kay Panelo nakasaad sa Saligang Batas na ang Pangulo bilang Chief Executive at Commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines ay may kapangyarihan ito na magsagawa ng re-organization sa mga ahensiya ng pamahalaan na nasa ilalim ng Executive Department gayundin ang pag-aatas sa militar para sa kaayusan ng serbisyo para sa mamamayan.
Nauna ng pinalitan ng Pangulo ang Customs chief at sinibak ang lahat ng section chief ng BOC dahil sa talamak na korapsyon at smuggling ng iligal na droga.
Ulat ni Vic Somintac