Kerwin Espinosa at 10 iba pa, pinakakasuhan ng DOJ sa korte kaugnay sa illegal drug trading sa Eastern Visayas
Inirekomenda ng DOJ panel of prosecutors na sampahan ng kaso sa korte si Rolan “Kerwin” Espinosa at 10 iba kaugnay sa kalakalan ng iligal na droga sa Eastern Visayas.
Ang reklamo laban kina Espinosa at mga kasamahan nito ay inihain ng NBI sa DOJ bunsod ng extra-judicial confessions ni Espinosa noong 2016 at pag-amin nito sa imbestigasyon ng Senado na sangkot ito sa malawakang bentahan at kalakalan ng iligal na droga sa Region 8 kahit ito ay nasa loob ng kulungan.
Sa mahigit 40 pahinang resolusyon ng DOJ panel, sinabi na nakitaan nito ng probable cause para kasuhan sa korte si Espinosa at 10 iba pa ng paglabag sa Section 26 (b) in relation to Section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs law o conspiracy to commit illegal drug trading.
Kasama sa pinakakasuhan ng DOJ sina Marcelo Labay Adorco, Jose Ortiz Antipuesto alyas “Joe”, Jose Jernie Estrera alyas “Amang”, Galo Stephen Evero Bobares, Ferdinand Gulhoran Rondina alyas “Denan”, Brian Anthony Zaldivar alyas “Tonypet”, Nickjune Rosalia Canin, Virbeca Hiyas Diano alyas “Bebeth”, Alfred Cres Arradza Batistis at Josela Avila Dumaguit alyas “Jojie.”
Binigyang bigat ng panel ang extra-judicial confessions ni Espinosa at iba pang respondents na dawit sila sa drug trade at ang komunikasyon sa pamamagitan ng texts o tawag sa telepono ng mga respondents.
Ibinasura naman ng DOJ ang reklamo laban sa siyam na pulis at anim na iba pa dahil sa kawalan ng probable cause.
Matatandaan na inimbestigahan ng NBI ang pagkakadawit ni Espinosa sa drug trade kasunod ng utos ni dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre noong 2017 bunsod ng extra-judicial confession ni Espinosa.
Moira Encina