Kilos protesta ng iba’t-ibang grupo hindi dapat balewalain ni Pangulong Rodrigo Duterte – Senador Lacson
Pinayuhan ni Senador Panfilo Lacson si Pangulong Rodrigo Duterte na huwag balewalain ang mga kilos-protesta na layong punahin ang mga kapalpakan at pang-aabuso ng kaniyang administrasyon.
Ayon kay Lacson, bagamat kakarampot lamang ang nakiisa sa mga rally kahapon at malayo ito sa bilang ng mga Pilipinong bumoto sa pangulo noong nakaraang eleksyon, hindi dapat balewalain ng pangulo ang kanilang ipinaglalaban.
Dapat aniyang matuto ang pangulo sa kasaysayan at hindi nito dapat ituring na isang maliit na pag iingay lamang ang mga ikinakasang protesta.
Nilinaw ni Lacson na nagsisimula sa maliliit na pagkilos ang mga malakihang pag-aalsang nakapag-patalsik sa mga umabusong pinuno ng iba’t ibang bansa gaya ng nangyari kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.
Sa kabila nito, kinikilala naman ni Lacson ang kakayahan ng pangulo na makinig sa hinaing ng mga mamamayan na kaniya nang ipinakita sa maraming pagkakataon.
Ulat ni Meanne Corvera