Kampo ni VP Leni Robredo, hiniling sa Korte Suprema na bigyan sila ng kopya ng report sa revision at recount sa 3 pilot provinces sa Electoral protest ni dating Senador Bongbong Marcos
Naghain ng urgent motion sa Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal ang kampo ni Vice- President Leni Robredo para bigyan sila ng kopya ng report sa isinagawang recount sa election protest ni dating Senador Bongbong Marcos.
Sa mosyon, partikular na hiniling ni Robredo na mabigyan ang mga partido sa protesta ng summary at committe reports sa revision, recount at re-appreciation ng mga balota sa tatlong pilot provinces ng Camarines Sur, Negros Occidental at Iloilo.
Katwiran nila ito ay para na rin sa transparency at matuldukan ang mga ispekulasyon ukol sa naging resulta ng recount.
Kailangan din anilang mapabatid sa mga partido sa kaso ang tunay na resulta ng recount sa tatlong test provinces.
Nilinaw pa ni Romulo Macalintal, abogado ni Robredo na hindi ang pagbobotohan ng PET ay kung sino ang nanalo sa Vice Presidential race.
Ayon kay Macalintal, ang pagpapasyahan ng PET ay kung itutuloy ba o hindi ang pagbilang sa mga balota sa iba pang kinukwestyong probinsya o kung ibabasura ang protesta ni Marcos.
Aniya kung may makitang ebidensya at pagbabago mga bilang sa tatlong probinsiya ay itutuloy lamang ng PET ang pagbilang sa mga nalalabing 27 probinsya sa protesta ni Marcos.
Pero kung hindi anya paborable kay Marcos ang naging resulta ng recount, ay ididismiss ng PET ang protesta ni Marcos.
Dahil dito iginiit ni Macalintal na kahit ano pa ang maging resulta sa botohan sa report sa recount ay mananatiling Vice President si Robredo.
Ulat ni Moira Encina