Kongreso inatasan ng SC na maghain ng komento sa mga petisyon na magdaos ng joint session para busisiin ang ML sa Mindanao
Inatasan ng Korte Suprema ang liderato ng Senado at Kamara na maghain ng komento sa mga petisyon na humihiling na magdaos ang mga ito ng joint session para busisiin ang deklarasyon ng batas militar sa Mindanao.
Ayon kay Supreme Court Public Information Office Chief Atty. Theodore Te, binigyan ng sampung araw sina Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez para magsumite ng komento sa dalawang consolidated petitions.
Ang unang petisyon ay inihain ng grupo nina Senador Leila de Lima at dating Solicitor General Florin Albay habang ang ikalawa ay isinampa ng mga opisyal ng simbahang katoliko at iba pang mga grupo ng aktibista.
Iginiit ng mga petitioners na sa ilalim ng 1987 Constitution, mandatory na mag -joint session ang dalawang kapulungan ng Kongreso.
Pero una nang ikinatwiran ng mga lider ng Kongreso na magco-convene lamang sila kung may plano silang ipawalang-bisa o palawigin ang animnapung araw na Martial Law sa Mindanao.
Ulat ni: Moira Encina