Konstruksyon ng 2 tulay sa Metro Manila na popondohan ng Chinese government, sisimulan na sa susunod na linggo- DPWH
Uumpisahan na ng DPWH ang konstruksyon ng Estrella-Pantaleon Bridge na mag-kukonekta sa Estrella Street sa Makati City at Barangka Drive sa Mandaluyong City at ang Binondo-Intramuros Bridge sa Maynila.
Sinabi ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar, nakatakdang simulan ang pagtatayo ng dalawang tulay sa susunod na linggo.
Popondohan anya ng People’s Republic of China ang dalawang proyekto na inaasahang matatapos sa taong 2020.
Ayon sa DPWH, kapag natapos na ang mga nasabing tulay ay inaasahang maiibsan ang bigat ng trapiko sa ilang mga pangunahing tulay sa Maynila, Makati at Mandaluyong.
Ang Estrella-Pantaleon Bridge ay may haba na mahigit 500 metro habang ang Binondo-Intramuros Bridge na dadaan sa Pasig River ay may habang 734 meters.
Ang dalawang tulay ay bahagi ng Metro Manila Logistics Improvement Network na isang traffic management plan na binubuo ng labing dalawang mga bagong tulay na daraan sa Pasig River, Marikina River at Manggahan Floodway.
Ulat ni Moira Encina